Nahagip sa livestream ng isang billiard game sa Mandaluyong City ang panghoholdap ng anim na lalaki sa isang restaurant sa Mandaluyong City. Ang mga suspek, pinaghahanap na ng mga pulis.
Sa ekslusibong ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Lunes, napag-alamang naglalaro ng billiard ang ilang lalaki sa isang restaurant sa Barangay Mauway nang biglang pumasok ang anim na lalaking naka-helmet.
Agad nagdeklara ng holdap ang anim na lalaki. Nanutok pa ng baril ang ilan sa kanila.
Wala pang limang minuto ay nakuha na ng mga suspek ang mga pera, cell phone, at alahas ng mga billiard player at restaurant staff.
Tinatayang nasa P200,000 ang halaga ng mga natangay na gamit.
Ayon sa Mandaluyong Police, naka-livestream noon ang isang billiard player.
"Every time na mayroon siyang laban, nila-live niya ang kanyang laban. Doon nagkataon na nahagip 'yung mga suspek doon sa kanyang pagla-live," sabi ni Police Major Glenzor Vallejo, ACOPO and SIDMS chief ng Mandaluyong City.
"Malaking tulong dahil sa restaurant, walang CCTV," dagdag niya.
Nagkasa ng dragnet operation ang pulisya matapos ang insidente.
Nakita sa CCTV footage sa lugar na ilang beses dumaan ang tatlong motor sakay ang mga suspek sa harap ng restaurant. Maya-maya lang ay pumarada ang mga ito sa gilid ng kalsada at bumaba ang mga suspek.
Ayon sa pulisya, tukoy na nila ang dalawa sa anim na suspek.
Mayroon daw previous record at standing warrant of arrest ang dalawang nasabing suspek para sa kasong robbery at kaugnay ng illegal drugs.
Ayon kay Vallejo, mga taga-Taguig ang mga suspek at dumayo lang sa Mandaluyong City.
Patuloy na hinahanap na ng mga pulisya ang mga suspek na mahaharap sa kasong robbery.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na kuhanan ng pahayag ang nasabing restaurant. —KG GMA Integrated News
