May nakitang pira-pirasong bahagi ng katawan ng isang lalaki sa loob ng isang drum sa Binondo, Manila nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nakita ang drum sa tulay ng Delpan sa Barangay 286 dakong 9:00 pm.
Nakabalot ng plastic ang biktima at inilagay sa loob ng isang plastic drum.
Ayon sa isang barangay kagawad na si Mila Quimpo, isang nangangalakal ng mga basura ang nakadiskubre sa bangkay matapos siyang utusan ng isang lalaki na itapon ang drum.
Nakasakay umano sa isang utility van ang lalaking nag-utos. Inilagay naman ng binatilyo sa kariton ang drum at ibinaba sa tulay ng Delpan, at doon na nadiskubre ang biktima.
Ayon pa kay Quimpo, sinabi umano ng binatilyo na P300 ang ibinayad sa kaniyang para itapon ang drum na inakalang kalakal ang laman.
Sa paunang pagsusuri ng mga awtoridad sa biktima, may nakitang lubid sa putol na braso nito at may bakas ng pagkakatali sa kaniyang mga paa.
Inaalam pa sa ngayon ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa biktima. – FRJ GMA Integrated News
