Naglabas ng precautionary hold departure order (PHDO) ang isang korte sa Manila laban kay Senador Jinggoy Estrada at sa kaniyang mga kapuwa respondent kaugnay ng reklamong plunder na inihain sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa umano’y pagkakasangkot nila sa maanomalyang proyekto ng flood control.

Batay sa apat na pahinang kautusan ng korte, inatasan din ng Manila Regional Trial Court Branch 52 ang paglalabas ng PHDO laban kina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, dating DPWH undersecretaries Maria Catalina Cabral at Roberto Bernardo, dating DPWH regional director Gerard Opulencia, at dating district engineer Henry Alcantara.

“[T]here is probable cause to believe that respondents will depart from the Philippines to evade arrest and prosecution of the crimes against them here,” ayon sa utos ng korte.

Inatasan ng korte ang Bureau of Immigration and Deportation na pigilan ang pag-alis sa bansa ng mga nabanggit na pangalan.

“Please note that this does not mean that the pending cases for plunder before the DOJ have already been resolved. Kaya po siya precautionary,” ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez.

“By the term precautionary, ibig sabihin niyan, bago pa po ma-file formally ang kaso in court nag issue na po ‘yung judge… of the order anticipating that the respondents in these plunder cases pending before the DOJ may evade arrest,” dagdag nito.`

Nauna nang sinabi ni Martinez na ang reklamong plunder ay hindi nakatuon sa iisang proyekto o lugar lamang. Sa halip, saklaw nito ang mga alegasyon ng pagkakamal ng ill-gotten wealth na aabot sa mahigit P50 milyon, na umano’y nakuha sa pamamagitan ng kombinasyon o serye ng mga transaksyon.

Humingi na ng pahayag ang GMA News Online sa kampo ni Estrada.

Nauna nang nagsumite si Bonoan ng kaniyang counter-affidavit kaugnay ng reklamo. Aniya, humingi siya ng pahintulot sa DOJ kaugnay ng kaniyang planong pagpunta sa Estados Unidos.

Pumanaw naman si Cabral noong nakaraang Disyembre sa Tuba, Benguet. (BasahinBenguet police, kinumpirmang patay na si ex-DPWH Usec. Cabral

Samantala, nauna nang sinabi ng DOJ na naging state witness na sa kaso ng flood control scheme na sina Bernardo, Alcantara, at Opulencia. – Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News