Tatlong suspek sa pagpatay kina Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at walong taong gulang niyang anak na si John Ysmael ang pormal na kinasuhan ng dalawang count ng murder, ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Martes.
Sa isang pahayag, sinabi ng QPCD na nakakita ang prosecutor ng prima facie evidence na may katuwiran at katiyakan ang paghatol laban sa mga suspek na kinilalang sina car agent “Pia Katrina,” kaniyang asawang si “Christian,” at isang kasabwat na si “Gil.”
"After an in-depth and thorough investigation, the suspects, identified as ‘Christian,’ ‘Pia Katrina,’ and ‘Gil,’ have been formally charged with two counts of murder, with no bail recommended, after the investigating prosecutor finds prima facie evidence with reasonable certainty of conviction against them," sabi ng QCPD.
Ang kapatid naman ni Christian na si "Maribel," isa sa mga inisyal na suspek, ay ituturing na ngayong isang ordinaryong saksi, ayon sa QCPD.
Samantala, ibinasura ang mga reklamo laban sa dating asawa ni Diane na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido, na itinuring na isang person of interest, matapos pagbigyan ang mosyon na alisin ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga respondent.
"We are deeply committed to bringing justice to PSMS Diane Marie Mollenido and her young son, John Ysmael. While their loss is irreplaceable, we will continue to ensure that those responsible are held accountable for their actions," sabi ng hepe ng QCPD na si Police Brigadier General Randy Glenn Silvio.
Noong Enero 24, natagpuan ang bangkay ni Diane sa Pulilan Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan, kung saan nakitaan siyang may tama ng bala sa ulo.
Pagkalipas ng limang araw, Enero 29, natagpuan naman ang bangkay ni Ysmael sa isang taniman ng kalamansi sa isang farm-to-market road sa Barangay Maluid, Victoria, Tarlac.
Pinatay ang mag-ina matapos ang isang palpak na transaksyon sa pagbebenta ng kotse sa Quezon City noong Enero 16, ayon sa pulisya. —VBL GMA Integrated News

