Nalampasan ni Alexandra “Alex” Eala ang matinding pagsubok sa No.6 seed ng torneo na si Jasmine Paolini ng Italy, 6-1, 7-6(5), sa Round of 32 ng Dubai Tennis Championships nitong Miyerkoles ng madaling-araw upang umabante sa susunod na yugto ng torneo.

SINO SIYA?: Jasmine Paolini ng Italya, ang sunod na pagsubok kay Alex Eala sa Dubai Tennis Championships

Matapos dominahin ang unang set, mas tumindi ang hamon mula sa Italian sa ikalawang set.

Maagang nakakuha si Eala ng 3-1 abante sa ikalawang set bago nakabawi si Paolini ng dalawang sunod na laro at maitabla ang iskor. Mabilis namang nabawi ni Eala sa kaniyang lakas at nakuha ang sumunod na dalawang laro upang maging abot-kamay na ang tagumpay.

Sa ikasiyam na laro, habang si Eala ang nagsi-serve para sana sa panalo, nagawa pang patagalin ni Paolini ang laban nang makakuha siya ng tatlong match point, at nanatiling buhay sa laban.

Naipantay ni Paolini ang set sa 5-all bago nakalamang, 6-5, sa gitna ng set na puno ng mga error.

Ngunit hindi nawalan ng pag-asa ang kasalukuyang World No. 47 na si Eala at nailigtas ang dalawang set point upang maitulak ang laban sa tiebreak.

Maagang nakalamang si Paolini, 3-2, sa tiebreak ngunit sumagot ang Filipina ace sa pamamagitan ng tatlong sunod na puntos upang makuha na ang kontrol.

Nailigtas pa ni Paolini ang isa pang match point, ngunit makalipas ang isang oras at 40 minuto, tuluyan nang inangkin ni Eala ang pinaghirapang tagumpay.

Sunod na makakalaban ni Eala si Sorana Cîrstea ng Romania.

—FRJ GMA Integrated News