Dismayado at nagalit umano si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nang malaman ang pambabastos umano ng isang kawani ng Migrant Workers Office (MWO) sa Bahrain sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na humingi ng tulong sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.
Inihayag ito ni Palace Press Officer na si Undersecretary Claire Castro noong Martes nang makausap ng mga mamamahayag sa New York City habang nasa working visit sa Amerika si Marcos.
Ayon kay Castro, hindi pinalampas ng Pangulo ang insidente at agad niyang inutusan si Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, na imbestigahan ang insidente at gumawa ng kaukulang aksyon.
''Hindi po pinalampas ni Pangulong Marcos Jr. ang pangyayari sa pagitan ni MWO Bahrain employee at mga overseas Filipino workers doon,'' ani Castro. ''Hindi po ito ikinatuwa ng Pangulo. Nagalit siya para sa ating mga OFWs dahil sa pagmamaltrato ng ilang public servant.''
Pinaalalahanan din ni Castro ang mga lingkod-bayan na huwag abusuhin ang kanilang kapangyarihan o awtoridad, at huwag pabayaan ang pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino.
''Ang isang public servant ay hindi po dapat na umabuso sa kanilang kapangyarihan. Walang dahilan ang pagyayabang o pagwawalang-bahala sa ating mga kababayan,'' giit ni Castro.
Binigyang-diin din ni Castro na walang lugar sa administrasyon ni Marcos ang mga taong walang malasakit sa paglilingkod sa bayan.
Dagdag niya, dapat magbitiw na lang sa puwesto ang mga opisyal at kawani na ayaw o hindi kayang maglingkod sa kapwa Pilipino.
Inalis na ng DMW sa puwesto ang nasabing kawani na nasa viral video na nakitang nakikipagtalo sa mga OFW.
Ayon sa mga ulat, makikita sa viral video ang empleyado ng MWO na tila pinapaalis ang mga OFW na humihingi ng tulong.
Sinabi pa umano ng empleyado sa mga OFW na wala raw pondo ang ahensya at maaari silang magsumbong kung kanino man nila gusto.
Nagtungo umano ang mga OFW sa Philippine Embassy sa Bahrain nang malaman na namamahagi umano ng pinansiyal na tulong ang tanggapan.
Iginiit naman ni Cacdac na may pondo DMW upang tulungan ang mga OFWs. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

