Napurnada ang plano ng dalawa umanong “Akyat-Bahay” matapos silang maaresto nang tangkain nilang pagnakawan sa ikalawang pagkakataon ang isang bahay na kanilang nilooban na sa Koronadal, South Cotabato.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa video footage ang pagtalon ng dalawang lalaki mula sa isang bakod upang tumakas mula sa pinasok nilang bahay.
Madidinig naman ang boses ng isang babae na humihingi ng tulong para maaresto ang dalawa. Kaagad namang kumilos ang mga residente sa lugar.
Sa tulong ng mga barangay tanod, nasukol at naaresto ang dalawa na menor de edad ang isa.
Inamin umano ng mga suspek sa mga awtoridad ang ginawang kasalanan at nabawi ang mga tinangay na gamit na aabot sa P8,000 ang halaga.
Sinabi rin umano ng mga suspek sa mga opisyal ng barangay na binalikan nila ang bahay dahil may nakita pa silang mamahaling gamit nang una nila itong pasukin, dalawang araw pa lang ang nakararaan.
Dalawang kasabwat pa nila ang hinahanap ng mga awtoridad na pareho umanong menor de edad din.—FRJ GMA Integrated News
