Pinawi ng Malacañang nitong Martes ang mga pangamba tungkol sa epekto ng krisis sa Middle East sa suplay ng gasolina at mga pangunahing bilihin ng bansa, at sinabing walang dahilan para mag-panic buying ang publiko sa mga retail outlet.

"Hindi po kailangan magkaroon ng panic buying dahil kumpleto naman po at enough pa po ang supply, lalong-lalo na ang ating fuel at ng ating mga basic commodities," sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa Philippine media delegation sa New York City.

Sinabi niya na batay sa Department of Trade and Industry (DTI), walang nakikitang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa Metro Manila at iba pang rehiyon. Dagdag pa ni Castro, dapat iulat sa DTI at sa Department of Energy ang "abnormal" na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.

"Tulad ng aking sinabi kahapon sa DTI, wala naman daw po movement ng price sa mga basic commodities natin sa NCR at sa ibang mga region," sabi pa ni Castro.

"At kung mayroon po na magkakaroon ng abnormal price increase na hindi lang po nararapat sa ngayon, maaari po nila agad-agad na ito ay ibigay at ipaalam sa DTI, pati po sa DOE," dagdag pa niya.

Naglabas ng mahigpit na babala ang Malacañang laban sa mga nagsasamantala sa patuloy na tensyon sa Middle East, na sinabing hahabulin sila ng batas.

Noong nakaraang linggo, tiniyak ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa publiko na patuloy na binabantayan ng gobyerno ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado dahil sa inaasahang pagtaas ng presyo ng langis.  — Jamil Santos/Anna Felicia Bajo/VBL GMA Integrated News