Sa kabila ng pagkakaroon niya ng lima nang anak, hindi maikakaila na looking young at maganda pa rin ang pangangatawan ni AJ Raval. Ano nga ba ang kaniyang sikreto? Alamin.

Sa kaniyang guesting sa “Your Honor,” hiningan si AJ ng kaniyang reaksyon sa paghanga sa kaniya ng netizens kahit na may lima na siyang anak.

“Natutuwa ako. Pero minsan parang nahihiya ako sa pagka [nagko-compare]. Sabi nila, ‘Ako nga wala pang anak mukha nang ano,’ Nahihiya ako. Pero natutuwa din ako na gano’n 'yung komento nila sa akin,” sabi ni AJ.

Diretsahang tinanong ng host na si Chariz Solomon kung ano ang sikreto ni AJ.

“Actually, hindi ko nakikitang maganda 'yung sarili ko. Parang… hindi siya… ewan ko,” sabi ng aktres.

“Nagpapaaraw ako. First thing in the morning, magwa-water ako. Tapos 'yung sa sarili ko, ayokong maalis sa akin 'yung parang awkwardness, 'yung sa galaw, ‘yung pananalita,” patuloy niya.

Para kay AJ, ayaw niyang maalis ang kaniyang “awkwardness.”

“Parang 'yung mga nagpupunta pa lang sa pagdadalaga, pagbibinata, 'yung gano'n. Paano magsalita, paano gumalaw,” dagdag niya.

Edad 25 na ngayon si AJ.

Ayon sa host din na si Buboy Villar, pinagmanahan ni AJ ang ama nito na si Jeric Raval.

“May pinagmanahan ‘yan kasi, baby face din (Jeric Raval),” sabi ni Buboy.

“'Yung tatay ko din kasi, gano'n din siya. Kahit gano'n 'yung edad niya tsaka kahit ano nang pinagdaanan niya, hindi nawala sa kaniya 'yung pagiging malaro. Malaro talaga siya,” ani AJ.

Dahil dito, nananatili kay AJ ang impluwensiya ng ama.

“Actually, ako din. Naglaro pa ako. Iba-iba eh. Minsan, umaakyat kami sa bubong. Naglalaro kami sa lupa, playground,” sabi niya.

Binanggit ni Chariz ang payo ng comedy genius na si Michael V. na huwag kalimutang maglaro pa rin na parang bata, ano pa man ang edad.

“Alam mo, sinasabi yan ni Kuya Bitoy eh… Sinasabi niya na ‘pag nag-stop ka maglaro, doon ka tumatanda,” ani Chariz. – FRJ GMA Integrated News