Isa pang Pilipinong seafarer ang iniulat na nawawala matapos ipadala ang isang tugboat upang tumulong sa isang barko sa Strait of Hormuz sa Middle East, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Martes.

Ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nakipag-ugnayan na ang ahensya sa pamilya ng seafarer upang mabigyan sila ng tulong.

Noong Linggo, idineklara ng DMW ang Persian Gulf at ang Strait of Hormuz bilang isang “War Risk Operations Area” sa harap ng tumitinding kaguluhan sa Middle East bunga ng labanan ng pinagsanib na puwersa ng Amerika at Israel kontra sa Iran.

Nauna rito, isa pang Pilipinong seafarer ang iniulat ding nawawala matapos tamaan ng missile ang tugboat na kaniyang sinasakyan habang nag-o-operate sa Strait of Hormuz.

Ayon sa pamilya ng 46-anyos na seafarer mula sa bayan ng Capalonga, Camarines Norte, ipinaalam sa kanila ng logistics company na kaniyang pinagtatrabahuhan ang insidente matapos ang missile attack sa tugboat na Mussafah 2 noong Marso 6.

Idinagdag ng pamilya na nakapagpadala pa ang seafarer ng video message sa kanila habang naglalayag ang kanilang upang tulungan ang isang na-stranded na container ship.

Nananawagan ang pamilya ng karagdagang impormasyon tungkol sa insidente at sa kalagayan ng nawawalang crew member. — Vince Angelo Ferreras /FRJ GMA Integrated News