Humantong sa suntukan at sipaan ang dalawang babaeng sakay ng kotse at isang lalaking motorcycle rider dahil sa away-kalsada sa Barangay Santa Lucia, Pasig.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Martes, sinabing sinubukang awatin ng isang lalaking bumaba sa kotse ang mga motoristang nag-aaway nitong Lunes.

Nakahinto sa gitna ng kalsada ang kotse ng mga babae habang nakatumba ang motorsiklo ng lalaki. Nagkasagutan din ang dalawang panig.

Sinabi ng saksing si Anthony Soledad na ang kotse ang nakasalpok sa motorsiklo at una rin umanong nanakit ang mga sakay ng kotse.

“‘Yung kotse nasagi siya. Bumagsak ngayon 'yung motor. Ngayon parang nagalit 'yung babae, bumaba. Tapos inaano niya 'yung lalaki. 'Yung lalaki, iwas siya nang iwas papunta rito. Ngayon may isang bumaba du’n sa kotse, sinipa 'yung motor niya. Du’n siya nagalit,” sabi ni Soledad.

“Ngayon bumalik siya du'n sa sasakyan ng babae. Sinuntok niya 'yung kotse. Pagkaharap niya ng ganoon, 'yung babae, nananakit, sinuntok siya,” dagdag ni Soledad.

Sinuri ng Pasig City Traffic and Parking Management Office ang kuha ng CCTV, at lumabas na tumigil ang motorsiklo bago mabangga ng kasunod na kotse.

“Ini-insist kasi nu’ng babae du'n sa nakakotse na kakaliwa raw 'yung lalaki. Pinanood namin sa CCTV, ang una-una talagang nakabangga 'yung babae. Kaya napakaliwa 'yung motor, natumba siyang pakaliwa. Kakanan talaga siya,” sabi ni Benard Inosantos, Traffic Aide I ng Pasig TPMO.

Naiulat na sa Pasig City Police Vehicle Traffic Investigation Unit ang insidente.

Sinabi ng pulisya na nagka-areglo ang dalawang panig. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News