Nagnana ang malalalim na sugat at namaga na halos kulay talong ang mga hita ng dalawang neophyte na nakasama ni Mark Kenneth Alcedo matapos silang sumailalim sa initiation rites ng isang fraternity sa Cavite.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Martes, sinabing kinumpirma ng mismong mga kapwa neophyte ng freshman maritime student at hazing victim umano na si Alcedo ang kanilang pinagdaanan na initiation rites ng Tau Gamma Fraternity noong Marso 1.
Ayon sa dalawa, parehas lamang na ginawa kay Alcedo ang ginawang pag-paddle sa kanilang mga hita.
Ayon sa kanila, 18 miyembro umano ng Tau Gamma Phi ang naroon nang mangyari ang insidente.
Hindi pa umano nakuntento ang grupo matapos pagpapaluin ang mga neophyte.
“Bago kami matapos noon, last naming ano, pinagsusuntok po kami,” ayon sa isa sa mga neophyte.
Matapos nito, nawalan ng malay si Alcedo.
“Sini-PR [CPR] po siya,” sabi ng isang kasama ni Alcedo.
“Kasi po, nasa loob po kami ng bahay. Tapos nasa sala lang po yata sila,” sabi ng isa pang kasamahan ni Alcedo.
Ayon kay Elegio Alcedo, ama ni Alcedo, na hindi basta-basta hazing ang ginawa sa kaniyang anak.
“Kitang kita sa lahat ng parte. Kasi kung ‘di mo makita nang marami, marami. Buti kung dito lang sa hita, pwede masabi natin na hazing lang yan. E lumalabas po marami. Sa baba, dito (likod), dito (bandang balikat), ang dami,” sabi ni Elegio Alcedo.
Sinampahan ni Elegio ang 14 na suspek, na tukoy na ang pagkakakilanlan, kasama na ang apat na sumuko sa General Trias Police.
Isa naman ang sumuko sa Dasmariñas Police noong Sabado sa pamamagitan ni Mayor Jenny Barzaga, habang isa pang suspek ang sumuko sa CIDG-NCR sa Camp Crame.
Patuloy ang apela ng ama ni Alcedo at ng mga awtoridad sa mga suspek at sa pamunuan ng Tau Gamma Phi na isuko na ang mga miyembrong sangkot sa insidente.
“Kung talagang makatao ang fraternity niyo, maging patas kayo. Tulungan niyo ang mga kasama niyo na isuko. Tapos harapin nila,” sabi ni Elegio. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
