Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang CCTV ng pagdaan ng mga motorista sa bahagi ng Manila South Road pasado 9 p.m. ng Miyerkoles.
Ilang saglit pa, bigla na lamang nabuwal ang isang malaking puno ng Acacia, at nabagsakan ang motorcycle rider na pauwi na sana sa Las Piñas galing sa kaniyang pinapasukang mall.
Sinabi ng Muntinlupa DRMO na naidala pa siya sa ospital ang rider pero nasawi kalaunan.
“Based on assessment ng ating mga nurses kanina ay negative pulse, negative breathing po ang ating pasyente. So medyo hindi maganda 'yung pagtama ng puno sa katawan niya,” sabi ni Dr. Elwin Alfonzo, head ng Muntinlupa Department of Disaster Resilience and Management.
Maliban sa rider, isa pang multi-purpose vehicle at dump truck ang nabagsakan din ng puno.
Sinabi ng driver ng MPV na ikinagulat nila ng kaniyang mga pasahero matapos biglang bumagsak sa kanilang sasakyan ang puno.
“Okay naman po ako sir, medyo pasalamat sa Diyos dahil wala akong galos. Ang kawawa po 'yung nagdaganan kanina ng puno, 'yung nakamotor,” sabi ni Cerilo Manhete, driver ng MPV.
Umapela si Manhete ng tulong matapos na hindi na umandar ang kaniyang sasakyan.
“Left and right po talagang na-damage po 'yung sasakyan. Wala naman po akong naging kasalanan sa nangyari. So sana naman po magkaroon naman lang ng kalutasan 'yung pagpapaayos ng sasakyan,” ani Manhete.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng bumigay na ang puno dahil sa katandaan.
Patuloy nilang inaalam kung may mga residente na nawalan ng supply ng tubig matapos masira ang ilang metro ng tubig kung saan nakatirik ang puno.
Na-clear at nadaanan na ng mga motorista ang dalawang linya ng kalsada pasado 1 a.m.
Madulas pa umano ang ibang bahagi ng kalsada dahil sa mga kusot ng pinagtabasan ng puno.
Hinihintay pa ang opisyal na pahayag ng Muntinlupa LGU tungkol sa insidente. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
