Labis ang pangamba ng isang ina matapos sumalisi ang isang lalaki at tangayin ang kaniyang kotse na sakay ang dalawang buwang gulang niyang sanggol sa Sao Paulo, Brazil. Ang suspek, nahuli ng mga saksi.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, makikita na bumaba mula sa driver's side ng kotse ang ginang para sunduin ang isa niyang anak.

Maya-maya pa, may isang lalaki ang sumalisi, sumakay sa kotse at tinangay ito.

Dahil dito, nag-panic ang ginang lalo’t nasa loob ng kotse ang kaniyang sanggol.

Iniulat ng ilang saksi sa pulisya ang insidente at hinabol nila ang sasakyan.

Nakita ang kotse kalaunan na inabandona halos tatlong kilometro mula sa pinangyarihan ng carnapping.

Ligtas sa loob ang sanggol, na dinala sa ospital para isailalim sa medical checkup.

Batay sa mga awtoridad, inabandona ng suspek ang kotse matapos mapansing hinahabol pa rin siya ng mga saksi.

Tinangka pang tumakas ng suspek pero nahuli siya ng mga saksi hanggang dumating ang mga awtoridad. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News