Isa na namang batch ng mga Pilipino ang nakabalik sa Pilipinas nitong Huwebes sa gitna ng patuloy na labanan ng US-Israel kontra Iran sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ligtas na nakarating sa Villamor Airbase sa Pasay City mula sa United Arab Emirates ang 317 Pilipino. Kabilang dito ang 153 OFWs, 114 nilang dependents, at 50 stranded na Pilipino.

Ito na ang ikatlong batch ng repatriation sa pamamagitan ng charter flights.  

“Not so many challenges, but there were procedures we had to hurdle,” sabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac Jr. sa mga mamamahayag.

“Ang overarching consideration ay ang security situation…Timing is everything, logistical operation, coordination with host countries. We just had to hurdle those factors and ‘yung eroplano, we made sure na may sufficient volume,” dagdag niya.

Nakatakda sanang salubungin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pinakabagong batch ng mga repatriate, ngunit hindi ito natuloy dahil sa mga pulong sa Malacañang.

“Si Pangulong Marcos Jr. ay nasa Economy and Development Council Meeting ngayong hapon para talakayin ang iba’t ibang programa para sa edukasyon, imprastraktura, reconstruction and development of Greater Marawi, Stage 2, Unified Grand Central Project,” sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa GMA News Online.

Sinabi rin ni Castro, na iniutos ni Marcos na sa Villamor Airbase na mag-landing ang eroplano upang matiyak ang kaginhawaan at maayos na proseso ng immigration para sa mga repatriate.

“Nais ng Pangulo na maibsan ang bigat na naranasan nila bago sila makabalik ng Pilipinas,” dagdag niya.

Ayon sa DMW, umaabot na sa 2,099 OFWs at kanilang mga dependents ang nakabalik sa Pilipinas sa gitna ng kaguluhan sa Gulf region.

“Sa ngayon, we’re arranging for the reparation of at least 1,000 or 800, but the requests keep coming in, and our Migrant Workers Offices will always be available,” sabi ni Cacdac.

Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga bansang kinaroroonan ng apat na Pilipinong inaresto dahil umano sa pagpo-post ng mga video ng airstrikes sa social media.-- Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News