Laging bantayan ang mga batang anak sa kanilang pinaglalaruan, Sa Bongao, Tawi-Tawi, isinugod sa ospital nitong Linggo ang isang lalaking isang-taong-gulang matapos na bumaon sa kaniyang dibdib ang nail pusher na kaniyang pinaglaruan.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing dinala sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) and Tawi-Tawi Provincial Hospital, ang bata para tanggalin ang natulis na bagay na bumaon sa kanang bahagi ng dibdib nito.
Ayon sa awtoridad, pinaglaruan ng bata ang nail pusher at hindi napansin ng kaniyag mga magulang. Pero natumba umano ang bata at doon na tumusok sa kaniyang dibdib ang matulis na bagay na ginagamit sa paglilinis ng kuko.
“Hindi siguro napansin naglaro siya ng sharp object na nail pusher. Accidentally, ang nangyari natumba yung bata and then natusok yung left chest niya at nadala dito sa hospital,” ayon kay Dr. Sangkula Laja ng IPHO Tawi-Tawi.
Matapos maoperahan, stable na umano ang kalagayan ng bata.
Nagpaalala ang health officials sa mga magulang at nakatatandang kasama ng mga bata na laging subaybayan ang mga ito at ilayo sa kanila ang mga peligrosong bagay na maaari nilang mapaglaruan.—FRJ GMA Integrated News
