Nalunod ang isang 12-anyos na lalaki na nagtangkang hanapin umano ang laruan ng kaibigan na nahulog sa ilog sa Barangay San Pedro sa Hagonoy, Bulacan.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang dalawang menor de edad na nasa gilid ng ilog.
Nagawang makahawak ng isa sa kongkretong pader na tila dike, habang kumakampay naman palayo ang isa.
Ayon sa ama ng biktima, may nagsabi sa kaniya na nahulog umano sa ilog ang laruan ng kaibigan nito.
Sinubukan umano ng kaniyang anak na hanapin ang laruan pero napalayo ito at lumubog.
Nagtangka naman daw ang kabigan na sagipin ang biktima pero hindi ito nagtagumpay.
Nakita ang katawan ng biktima kinabukasan matapos ang insidente. – FRJ GMA Integrated News
