Patay ang apat katao matapos ang away ng dalawang pamilya sa La Paz, Iloilo City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV na tatlong lalaki ang magkakausap sa kalsada ng Barangay San Isidro.

Ilang saglit lang, maririnig na nagtatalo na ang tatlo, hanggang sa ilang lalaki pa ang lumabas mula sa bahay.

Tinulak ng lalaking nakasando ang lalaking sinubukang umawat, habang sumugod ang isang lalaking nakaitim at pinalo ng kahoy ang nakasando.

Ito na ang naging mitsa ng gulo at sumali pa ang ibang lalaki sa lugar. Nagkaroon din ng pananaksak sa insidente.

Isang lalaking 67-anyos ang dead on arrival sa ospital at nasawi rin ang dalawa niyang anak.

Patay din ang 33-anyos na lalaki mula naman sa kabilang pamilya, habang nagtamo ng mga sugat ang dalawa niyang kapatid.

Sinabi ng asawa ng nasawing senior citizen na transaksiyon sa ilegal na droga ang pinag-ugatan ng away.

Itinuturo naman ng nakaaway na pamilya na ang kabilang pamilya ang nag-umpisa ng gulo.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News