Upang magkaroon ng dagdag na kita na ibinibigay sa mga kaanak na nangangailangan ng tulong, isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) ang pumasok umano sa negosyong pagpapautang. Pero ang isang nangutang sa kanila, larawan daw na nagpatay-patayan ang ipinadala sa text nang kanila na itong sisingilin. Ano nga ba ang kuwento sa viral na larawan? Alamin.

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, napag-alaman na anim na taon nang nagtatrabaho sa Macau si Mharie, na inaasahan ng kaniyang mga kaanak na nasa Pilipinas pagdating sa pinansiyal na tulong.

Nasa Pilipinas naman ang kapatid ni Mharie na si Menalyn at pinsan nito na si Claire. Anila, isang chat lang nila kay Mharie ay nagbibigay na ito ng tulong sa kanila.

Pero lalong lumaki ang pangangailangan nila sa pinansiyal sa Pilipinas nang nagkasakit sa bato ang kuya nila Mahrie kaya nahikayat siya ng kaniyang pinsan na “Vince,” hindi niya tunay na pangalan, pumasok sa negosyong “pautang.”

Sa naturang negosyo, kikita sina Mahrie ng P200 sa bawat mahihiram na P1,000. Pero ang isang nakautang sa kanila na umabot ng P40,000, naging pahirapan umano ang singilan.

Ang masaklap nito, nalaman kalaunan nina Mahrie na hindi pala talaga si Vince ang kausap nila sa cellphone nang magpasimula ng lending business kung hindi ang girlfriend nito na si “Hanna,” 'di rin niya tunay na pangalan.

Kinuha umano ni Hanna ang cellphone noon ni Vince na ginamit sa pakikipag-ugnayan kina Mahrie. Pero nang makarating na sa barangay ang usapin at magkasundong babayaran ni Hanna ang pera, dito na nagpadala umano ng larawan si Hanna na tila nakahimlay na hitsurang patay na.

Subalit hindi kumbinsido sina Menalyn at Claire na patay na si Hanna kaya hinanap nila itong muli. Patay nga ba si Hanna, at ano pa ang matutuklasan tungkol sa kaniyang pagkatao? Panoorin ang buong kuwento sa video ng “KMJS.” – FRJ GMA Integrated News