Natukoy na ng pulisya ang plate number ng multipurpose vehicle (MPV) na tumakas at hindi binayaran ang higit na P5,000 na halaga ng diesel na ipinakarga sa isang gas station sa Quezon City.
Ayon kay Police Major Jennifer Ganaban, hepe ng Public Information Office ng Quezon City Police District, nakakuha ang mga awtoridad ang malinaw na kuha ng plate number ng sasakyan matapos itong huminto nang dalawang beses pagkatapos ang insidente, at natanggal ang telang nakatakip sa plaka nito.
“Nakakita po tayo ng isang kuha ng CCTV na klaro po yung kaniyang plate number. For the past days po kasi, talagang medyo malabo. Kung mapapansin din po natin, talagang sinadya niyang takpan ng puting tela yng kaniyang plate number sa likod, knowing po siguro na may mga CCTV siyang madadaanan,” ayon sa opisyal sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes.
“However, nakadalawang stop siya kung saan very clear yung pagkakakuha ng plate number,” dagdag ng opisyal.
Naniniwala rin ang pulisya na balak talaga ng driver ng sasakyan na hindi magbayad ng gasolina dahil nakita rin sa CCTV camera na tinakpan nito ang plate number ng sasakyan bago pa man dumating sa gasolinahan.
“Kung mapapansin natin sa mga naunang nag-circulate na videos, doon sa gasoline station, tinakpan talaga. Kasi prior na makarating siya ng gasoline station, may mga kuha tayo na bumaba siya at mayroon siyang inayos sa likod ng sasakyan niya,” sabi ni Ganaban.
Ayon sa QCPD, natukoy na rin nila ang rehistradong may-ari ng sasakyan pero iginiit nito na naibenta na niya ang sasakyan sa ibang tao.
“Umamin din po na mayroon pala siyang dating sasakyan, kaya lang parang pinasalo niya. Uso po kasi yung bibili ng sasakyan, sa’yo nakapangalan, then kapag hindi ka na magbayad, puwede mo na siya ibenta o ipasalo. So ayun po ang ginagawa ng ating operatiba, vina-validate kung totoo ba na ganun ang nangyari,” dagdag ni Ganaban.
Ayon sa pulisya, maaaring sampahan ng reklamong estafa ang driver.
Nauna nang iniulat na nag-ambag-ambag umano ang mga pulis para ipambayad sa P5,000 na diesel para hindi na kaltasin sa sahod ng pump attendant na tinakbuhan ng driver. — Vince Angelo Ferreras GMA Integrated News

