Patuloy ang paghina ng halaga ng piso ng Pilipinas laban sa dolyar ng Amerika, at umabot sa panibagong all-time low ngayong Lunes. Sa harap ito ng patuloy din na pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo bunga ng kaguluhan sa Middle East.

Sa kalakalan nitong Lunes, nalagasan ang lakas ng piso ng 14 sentimo upang magsara sa P60.69:$1 mula sa P60.55:$1 noong nakaraang Biyernes, na siyang dating record low ng halaga ng piso laban sa dolyar.

“Peso weakness is still USD strength plus oil demand, with thin liquidity exaggerating moves,” ayon sa ipinadalang mobile message ng isang trader.

“Sixty-one is possible, but not a straight line — market is stretched. Expect choppy trading around 60-61, not a clean breakout,” dagdag nito.

Una rito, sinabi ng Iran, ang nagsara ng Strait of Hormuz, na nakahanda silang tumugon kung sakaling magpapadala ng tropa ang Amerika sa kanilang bansa. Bunga ito ng plano umano ng Washington magpadala ng ground forces sa Iran habang itinutulak ang negosasyon upang wakasan ang kaguluhan sa Middle East.

Sinabi naman ni US President Donald Trump sa isang panayam sa Financial Times, na nais niyang “kunin ang langis ng Iran,” at nagbigay ng pahiwatig sa posibilidad na kontrolin ang export hub ng Kharg Island, ayon sa ulat ng Reuters.

Sinabi ni BSP Governor Eli Remolona Jr. noong nakaraang linggo, na hindi pa kailangang panghimasukan ang foreign exchange market. Iginiit din niya walang partikular na target ang central bank sa antas ng halaga ng piso para sila gumalaw o kumikilos.

“At the same time, we understand that the weakness of the peso is not necessarily a bad thing. The peso, where it’s going, seems to help with our current account deficit and our exports. It’s not necessarily a bad thing,” ayon kay Remolona. — Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ GMA Integrated News