Nadakip ang isang 38-anyos na lalaki matapos siyang makita ng security guard na may-ari ng motorsiklo na tinangka niyang tangayin sa labas ng isang palengke sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nag-iikot ang security guard sa palengke nang maganap ang insidente sa Ermin Garcia Street noong Martes.
“Paglingon niya, 'yung motor niya is may tao nang gumagamit at nakatakbo na ng almost five meters. So from that point, hinabol niya at humingi siya ng tulong sa mga bystander. Nataon din mayroon tayong pulis doon sa palengke. Doon, nagka-commotion, tinulungan ng pulis natin, hinuli,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Joy Leanza, Commander ng Cubao Police Station.
Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .38 na baril na kargado ng mga bala. Wala siyang naipakitang dokumento na sa kaniya ang baril.
“Nag-request tayo ng verification sa PNP-FEO, sa Camp Crame para ma-found out natin kung may kaukulang papel 'yung baril na dala nu'ng suspek natin. At sinubmit (submit) din natin siya for laboratory exam sa crime lab, baka 'yung baril na ‘yun is nagamit din sa ibang krimen,” sabi ni Leanza.
Umamin naman ang suspek sa pagnanakaw sa motorsiklo ng sekyu.
“Ginawa ko. Wala akong pambayad ng pang-upa ng bahay,” anang suspek.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mismong suspek din ang lalaking nahagip sa CCTV sa Tomas Morato Avenue tanghali ng Linggo na may tinangay ding nakaparadang motorsiklo.
Saklaw ng Kamuning Police Station ang pinangyarihan ng insidente, kaya agad silang nakipag-ugnayan sa Cubao Police Station.
“Ang modus ng suspek na ito is paikot-ikot talaga siya sa buong QC. Ang tinitingnan niya 'yung mga naka-park na motor na may naiwang susi,” ani Leanza.
Nabawi naman sa Rizal ang ninakaw na motorsiklo, na ibinenta ng suspek sa halagang P6,000.
Reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang kahaharapin ng suspek. May dagdag reklamo siyang kahaharapin dahil sa naunang ninakaw ng motorsiklo sa Tomas Morato Avenue. – Jamil Santos/FRJ GMA News
