Muling ipinakita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Huwebes na maayos ang kaniyang kalusugan matapos na buhatin na tila dumbbell ang 10 kilo ng bigas na bahagi ng mga ipinamigay na bigas sa ilang residente sa Maynila.

Ang pamimigay ng mga bigas ay bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang pasanin ng publiko sa epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Kasama si Manila Mayor Isko Moreno, personal na iniabot ni Marcos sa mga benepisyaryo ang tig-10 kilo ng bigas na nasa maliit na sako. Binuhat niya ang isang sako ng bigas at ilang beses na itinaas na tila isang dumbbell.

Kamakailan, pinabulaanan ni Marcos at tinawag na fake news ang mga lumabas sa social media na may malubha siyang sakit. Kasabay nito, nag-jogging at nag-jumping jack siya sa compound ng Palasyo sa harap ng ilang miyembro ng media.

''Sinong may sakit?" saad ni Marcos nang buhatin ang sako na may bigas.

Layunin ng programang Biyayang Bigas Para sa Maynila na magbigay ng agarang tulong na pagkain sa mga pamilya sa gitna ng epekto sa ekonomiya ng nagaganap na sigalot sa Gitnang Silangan.

"Ang programang ito ay magbibigay nitong 10 kilo na bigas, anim na beses sa isang taon. At patuloy lang nating binibigay. Binigay na po natin sa ating mga local government para naman mabilis,'' sabi ni Marcos.

Ayon kay Marcos, ipatutupad din ito sa iba pang bahagi ng bansa.

Tinatayang 80,000 pamilya sa Maynila ang nakinabang sa naturang programa ng pamimigay ng bigas.

Nagbibigay rin ito ng tulong sa loob ng anim na buwan sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon at serbisyo na higit na apektado ng krisis.

May pondo ang programa na nagkakahalaga ng P286,000,000, na inilabas ng Office of the President sa lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamamagitan ng Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) program.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News