Inihayag ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ngayong Huwebes na dinakip noong Martes ang OPM artist na si Hev Abi, o Gabriel Abilla sa tunay na buhay.
Sa police report, nakasaad na inaresto ang 24-anyos na rapper kasama ang anim na iba pa sa isinagawang Oplan Paglalansag Omega sa Barangay Laging Handa, Diliman.
Isinilbi umano ng mga awtoridad ang isang search warrant dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakuha sa naturang operasyon ang isang Taurus G3 9mm pistol, isang magazine, at 15 rounds ng live ammunition.
May nakuha rin umano ang mga awtoridad ng 11 cartridge na naglalaman ng hinihinalang liquid marijuana, apat na selyadong transparent na plastik na naglalaman ng pulbos na hinihinalang cocaine, at mga paraphernalia na may hinihinalang marijuana.
Ayon kay CIDG–National Capital Region (CIDG-NCR) chief Police John Guiagui, nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu, marijuana, at cocaine ang mga nakumpiskang sangkap.
Hinihintay pa ang resulta ng karagdagang pagsusuri sa mga nasabing ebidensya.
“Actually yung cocaine, yung white powder, positive ‘yon. We are waiting for the other. But based on the result ng ibinigay sa atin ng Forensic Group, positive yung ating mga nahuli sa methamphetamine hydrochloride at tsaka marijuana,” he told reporters in an interview.
Bagaman para sa armad ang search warrant, may nakuha umanong ilegal na droga sa isinagawang operasyon.
“Hindi naman ‘yon ‘yung subject ng search warrant natin. Nataon lang po during that time na pag-serve natin ng search warrant nandoon yung mga suspected illegal drugs,” paliwanag ni Guiagui.
Gumawa ng pangalan si Hev Abi sa music scenes mula noong 2020. Kabilang sa kaniyang hit songs ang “Alam Mo Ba Girl,” “Babaero” at “Lil Kasalanan Shortie.”
Noong 2024, isinagawa niya ang kaniyang first major concert sa New Frontier Theater na may pamagat na "Morato Most Wanted." -- Joviland Rita/FRJ GMA News
