Kinaantigan ang isang ama dahil sa buong puso niyang pagtanggap sa kaniyang anak na miyembro ng LGBTQIA+, nang dalhan pa niya ito ng bulaklak at wig sa Tarlac City.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” itinampok ang video ng amang si Leslie Tuquero na inaabutan ng bulaklak ang “dalaginding” niyang anak na si Rain Ezekiel Tuquero o Kiela, na naka-bestida, heels, at may burloloy pa sa ulo.

Sa kanilang tahanan, malaya si Kiela na magsuot ng mga damit pambabae at mag-aura pa kahit makita ng kaniyang ama.

Ayon kay Leslie, bata pa lang si Kiela ay napansin na niyang mahilig ang kaniyang anak na makipaglaro sa mga batang babae.

“Tapos mga barbie doll 'yung mga laruan nila. Kaya siyempre, barbie doll na rin 'yung laruan ko… Tapos parang nahawa na rin siya roon sa mga babae. Ayun, naging bading-bading na siya,” ani Leslie.

Matapos makakutob sa mga kilos ng anak, masinsinan nang kinausap ni Leslie si Kiela. Si Kiela naman, umamin tungkol sa kasarian nito, na mabilis ding natanggap ng kaniyang ama.

“Laging sa magulang nagsisimula 'yung pagmamahal doon sa anak. Paano magiging masaya 'yung anak natin kung mismong magulang parang ayaw niya doon sa ginagawa ng anak niya?” ani Leslie.

Ayon kay Leslie, hindi niya inakala na magkakaroon siya ng anak na bading, lalo pa't hindi siya lumaki na may nakakasama na bading sa pamilya o mga kaibigan.

Ngunit sa halip na kamuhian at pagalitan, niyakap niya ang anak at mas tinanggap nang buong puso.

“Nanaig sa akin 'yung pagmamahal. Sinabi ko naman sa kaniya na ‘Tanggap kita kung ano ka,’ kako naman sa kaniya. Kaya doon siya natutuwa na nagladlad na,” ani Leslie.

Pangalawa si Ezekiel sa tatlong magkakapatid. Nasa pangangalaga ng kanilang lola sa Nueva Ecija ang dalawa niyang kapatid.

“Ito pong apo ko, ‘yung talagang malambot kay daddy niya. Kaya okay lang po, suportahan namin kung ano 'yung kuwan nilang dalawa,” sabi ni Lola Jenna Tuquero.

Samantala, caregiver sa Germany ang kanilang ina.

“Si mommy po napopogian sa akin. Pero 'yung ibang tao naman po, kagaya po ni daddy, nagagandahan daw po sa akin,” sabi ni Ezekiel.

Sa kabila nito, nakatanggap ng panghuhusga sa iba si Kiela.

“‘Yung iba, binu-bully po ako. Sinasabi po nila sa akin, ‘Bakla, bading, tapos po minsan po, sinasaktan po ako ng classmates ko… Pinapabayaan ko na lang po, pero minsan po, naiinis po ako. Pero ayoko din po mapatawag 'yung magulang nila, kaya po pinapabayaan ko na lang po,” ani Kiela.

Hindi inaasahan ni Kiela na mismong ama ang magreregalo ng mga wig para sa kaniya.

“Nu’ng sinurprise ko siya ng wig… ‘Magpahaba ka na lang ng buhok,’ kako ayaw niya. ‘Bilhan mo ako ng wig,’ kaya sinurprise ko siya ng wig. Kaya 'yun tuwang-tuwa naman siya, dalawa nga 'yung wig niya ngayon,” sabi ni Leslie.

“Kapag po naka-wig ako o nakapambabae sinasabi po sa akin ni daddy na ang ganda ko daw po,” ani Kiela.

Inilahad ni Leslie ang pagsuporta niya sa kaniyang anak na miyembro ng LGBTQ+ community.

“Susuportahan ko 'yung anak ko sa pagiging member niya ng LGBTQ habang buhay. Hangga’t andito ako nabubuhay, hangga’t humihinga ako, nakasuporta ako sa kaniya. Kasi that's love. Pinaparamdam ko lang sa kaniya kung gaano ko siya kamahal,” ani Leslie.

Tunghayan sa Good News ang pambawing sorpresa naman ni Kiela sa kaniyang amang si Leslie. Panoorin. – FRJ GMA News