Tatlo ang patay habang siyam ang sugatan matapos sumiklab ang isang sunog sa C6 Road sa Barangay New Lower Bicutan, Taguig.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente pasado 4 p.m. ng Miyerkoles.

Tumambad ang trahediya sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection nang maapula ang apoy pasado 6 p.m.

“Iyon nga po sa kasamaang palad mayroon tayong casualty kanina sa naganap na sunog sa New Lower Bicutan. ‘Yung dalawa po ay both senior citizens, ‘yung isa ay sinasabi na stroke patient and ‘yung isa ay relative rin po ng dalawang senior citizen,” sabi ni Fire Superintendent Garynel Julian, Fire Chief ng Taguig.

Lumabas sa tala ng BFP na 34 na pamilya ang apektado ng sunog.

Tinatayang P1.5 milyon ang halaga ng mga nasirang bahay na pawang gawa sa light materials.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng apoy.

Isa pang sunog ang sumiklab sa Taguig bago sumapit ang 7 p.m. Umabot sa ikatlong alarma ang sunog sa Barangay Bagumbayan.

Sinabi ng BFP na may 11 pamilya ang apektado ng apoy.

Tinatayang P2.5 milyon ang halaga ng mga napinsala.

“Masisikip po ‘yung ating mga eskinita dito sa sunog natin na naganap dito sa Bagumbayan. At iyon po ang isa sa challenges na na-encounter natin dito sa sunog na ito... Nahirapan din tayo sa supply ng tubig,” sabi ni Julian.

Nakaantabay ang lokal na pamahalaan para sa mga pangangailangan ng mga nasunugan.

“May nakatakda naman na po talaga kaming protocol sa mga ganitong pangyayari dito sa city natin. Nakahanda na ‘yung ating social workers at ‘yung ating temporary evacuation center dito sa ating Rockyside Multipurpose Building ay nakahanda na po para roon sa mga walang matutuluyan,” sabi ni Taguig Mayor Lani Cayetano. —Jamil Santos/VBL GMA News