Inihayag ni Jennylyn Mercado na may frozen embryo pa sila ni Dennis Trillo na nakahanda sakaling magdesisyon silang magkaanak pa.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, natanong kamakailan ang aktres kung nakakaramdam ba siya ng pressure na magkaroon ng baby bago siya mag-40-anyos sa susunod na taon.
"Mayroon pa ko talagang isang boy na buo na, nasa Texas. So kung maisipan ko man, siya na lang," ayon sa aktres.
"Pero sa ngayon kasi ine-enjoy pa namin si Dylan, gusto pa namin siya tutukan maganda na naka-focus kami sa kanya. Kasi 'yung mga kuya niya mga binata na," dagdag ni Jennylyn.
Apat na taon na si Dylan, na anak nina Jennylyn at Dennis. Mayroon siyang dalawang kuya na sina Jazz at Calix, na anak nina Jennylyn at Dennis sa nakaraan nilang mga karelasyon.
Ang frozen embryo ay para sana sa plano nina Dennis at Jennylyn na surrogacy noon 2021 pero hindi nila inasahan na magbubuntis ang aktres sa natural na paraan.
Ayon kay Jennylyn, maayos pa ang embryo at maaaring i-implant kapag gusto na nilang magkaroon ng panibagong baby.
"Puwede pa po 'yun. Naka-freeze lang 'yung embryo," saad niya sa isang interview. "Anytime na gusto naming magka-baby ulit puwedeng ako na. Puwedeng surrogate uli. Depende kung kakayanin ko pa." —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News
