Inalis muna sa kani-kanilang bahay ang nasa 66 pamilya na nakatira malapit sa pagdarausan ng ASEAN summit sa Lapu-Lapu City, Cebu, at inilipat sila sa isang resort sa Cordova. Ayon sa isang alkalde, “happy naman” ang mga pamilyang naapektuhan ng idaraos na pagpupulong.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing inihayag ni Lapu-Lapu City Mayor Cindi King Chan na maaayos ang kalagayan ng mga pamilyang inilipat.

Bago nito, ilang netizens ang nagbigay ng negatibong komento kaugnay sa ginawang paglilipat sa mga pamilya na tinawag nilang “anti-poor.’

Mula noong Abril 27, 2026, hindi bababa sa 66 na pamilya na nakatira malapit sa Mactan Expo sa Lapu-Lapu City—ang pagdarausan ng pagtitipon na dadaluhan ng mga lider ng mga bansang kasapi ng Asean sa Mayo 8, 2026—ang pansamantalang pinatira sa resort sa Cordova.

Ayon kay Chan, nabisita na niya ang mga pamilya, at sinabing, “so far, happy naman po sila.”

Idinagdag niya na maayos na naaalagaan ang mga pamilya at pinasali pa sa iba’t ibang aktibidad habang nasa resort.

“I visited them last Saturday and they had a family day so we are taking good care of them and they have different activities lined up per day. They have livelihood trainings, they also have a wellness day… so far, happy naman po sila,” pahayag ni Chan sa press nitong Martes.

Nasa loob ng security perimeter ng Mactan Expo. ang lugar na tinitirhan ng mga pamilya. Kung hindi muna sila lilipat, malilimitahan umano ang kanilang galaw sa buong panahon ng summit.

Nagsisimula nang dumating sa Cebu ang mga miyembro ng delegasyon mula sa ASEAN simula Mayo 6.

Habang gaganapin naman ang high level gatherings sa May 7 at 8. – FRJ GMA News