Nasunog ang tatlong kainan, isang botika at isang pet shop sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City Huwebes ng madaling araw. Kabilang sa mga nasunugan ang refugees mula sa Gaza Strip na teritoryo ng mga Palestino at sinalakay ng Israel noong Oktubre 2023.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing sumiklab ang sunog sa Holy Spirit Drive pasado 4:40 a.m.
Agad na kumalat ang apoy sa magkakadikit na commercial establishments, hanggang sa itinaas na ito ng Bureau of Fire Protection sa ikalawang alarma.
Rumesponde ang nasa 30 firetruck sa lugar, at inabot ng halos isang oras ang sunog bago tuluyang naapula.
Sinabi ng BFP na kasama sa mga natupok ang tatlong kainan, isang pet shop at isang botika. Patuloy ang imbestigasyon sa pinagmulan ng apoy at kung saang establisimyento ito nag-umpisa.
“Pagdating namin, malakas na 'yung apoy. So doon kami nahirapan kasi natuluyan ‘yung isang commercial tapos puro light materials ang gawa sa loob,” sabi ni Fire Senior Inspector Reinhard Baldovino, Commander ng Quezon City Fire District Station 2.
“Pagdating namin sa area, napakalakas ng apoy ‘Yun po ang nakikita naming, napakalakas ng apoy. Tapos may pumuputok pa ng mga tangke, sunod-sunod,” sabi ni Samuel Frejas, BPSO Team Leader ng Barangay Holy Spirit, Quezon City.
“Actually, we are refugees here. We've been repatriated from Gaza almost two years. This is our main source of income. So we are surviving day by day, to be honest with you. In terms of paying the house, fooding, and all of these issues. But now, it's become very complicated,” sabi ni Tareq Obaid, may-ari ng restaurant.
Matatandaan na sinalakay ng Israel ang Gaza Strip noong October 2023, bilang ganti sa ginawang pag-atake ng grupong Hamas sa Israel na nanggaling sa Gaza.
Matapos ang sunog, ilang establisimyento ang bumigay na ang bubong at hindi na mapapakinabangan ng mga may-ari. – Jamil Santos/FRJ GMA News
