Nasawi ang isang lalaki matapos pagtatagain ng kaniyang kaalitan sa Tanjay, Negros Oriental. Ang suspek, naka-hospital arrest naman matapos siyang barilin ng anak ng biktima.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hinintay ng suspek na lumabas ang biktima sa bahay nito bago umatake.
Nasaksihan ng anak ng biktima ang pananaga ng suspek sa ama, kaya agad siyang kumuha ng improvised shotgun at binaril sa likod ang suspek.
Tumakas ang anak ng biktima matapos ang pamamaril.
Naka-hospital arrest ang suspek habang hinahanap ang anak ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na matagal nang may alitan ang suspek at ang biktima na nakikitang motibo sa krimen.
Mahaharap sa reklamong murder ang suspek, na wala pang pahayag. – Jamil Santos/FRJ GMA News
