Sinabi ng Malacañang na nagtrabaho bilang social media director ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa loob ng humigit-kumulang anim na buwan noong 2018 si Franco Mabanta, ang kontrobersiyal na founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN). Inalis din siya sa trabaho dahil, sa “medyo hindi nagustuhan ‘yung style.”

Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang ambush interview sa sidelines ng ika-48 ASEAN Summit nitong Biyernes.

“Sa aking pagkakaalam—ito lamang po ang naibigay sa akin—parang tumagal lamang po siya ng six months? Mga six months po dahil according to them, sa nagbigay sa akin ng info, medyo hindi nagustuhan ‘yung style,” sabi ni Castro sa mga mamamahayag.

Sinabi rin niya na dahil nagtrabaho si Mabanta para sa Pangulo noong 2018, maaaring wala na siyang naging papel noong halalan ng 2022.

Nauna nang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mabanta kaugnay ng umano’y tangkang pangingikil laban kay dating House Speaker at kasalukuyang kongresista ng Leyte na si Martin Romualdez.

Marcos at Romualdez ay magpinsan.

Ayon sa mga ulat, inihayag umano ni Mabanta na mayroon siyang mga video na nag-uugnay kay Romualdez sa flood control scandal. Pinilit umano niya si Romualdez na magbayad ng P350 milyon, kapalit ng hindi paglabas ng mga video sa pamamagitan ng PGMN.

Naaresto ang social media personality ng mga tauhan ng NBI mataposna matanggap niya ang bahagi ng P300 milyon na umano’y napagkasunduan.

Itinanggi nina Mabanta at PGMN ang mga alegasyon at sinabing may motibong pulitikal ang pagdakip sa kanila na umano’y isang “set-up,” na binabulaanan naman ng NBI.

Nauna nang sinabi ni Castro na hindi kaibigan ni Marcos si Mabanta.

Sa halip, iminungkahi ni Castro sa mga mamamahayag na alamin ang umano’y kaugnayan ni Mabanta sa kampo ng mga Duterte, at binanggit na ilan sa kaniyang mga inilathalang content ay kritikal laban sa administrasyong Marcos.

Samantala, kinuwestiyon naman ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag ni Castro at tinanong kung sina Marcos at Mabanta ba ay “strangers with memories.”

Hinamon naman ni Castro si Roque na maglabas ng mga bagong larawan nina Mabanta at ng Pangulo na magkasama.

“Kailan ba yung sinasabi nila—2018. Wala namang nagde-deny na naging social media director ng Pangulo itong si Franco Mabanta. But we’re talking of now,” ani Castro.

“So china-challenge ko rin, bigyan niya ako ng larawan na magkasama si Franco Mabanta at ang Pangulong Marcos Jr.—lalong-lalo na sa kanyang wedding kung saan ang mga kasamahan niya ay parang nagagawi sa tinatawag na DDS,” dagdag niya. -- Giselle Ombay/FRJ GMA News