Inaresto ng mga awtoridad ang isang 37-anyos na lalaki na umano’y pumatay sa sarili niyang ina na 74-anyos sa Bokod, Benguet. Ang krimen, nabisto ng kapitbahay dahil sa nakausling paa ng biktima na tinangkang ilibing ng suspek.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen noong Mayo 3 sa bakanteng lote sa Barangay Daklan.
Ayon sa pulisya, rumesponde ang mga awtoridad nang makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa hinihinalang bangkay na nakitang nakabaon sa lugar.
Batay pa sa impormasyon na nakuha ng pulisya mula sa isang saksi, nakita umano niya ang suspek na may inililibing sa lugar noong hapon ng nasabing petsa.
Pinapunta umano ng saksi ang kaniyang anak sa lugar at nakita nito ang isang paa ng tao na nakausli sa lupa.
Ayon pa sa pulisya, may mga nakakita ring bakas ng dugo sa bahay ng mag-ina.
Dinakip ang suspek pero hindi malinaw kung ano ang motibo niya sa pagpaslang sa kaniyang ina.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng mag-ina, ayon din sa ulat.—FRJ GMA News
