Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Huwebes na pitong tripulanteng Pinoy ang sugatan matapos atakihin ng Irania drone ang isang container ship sa Strait of Hormuz nitong Martes.
Sa isang press briefing, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, na tatlo sa pitong nasugatang Pilipino na mula sa CMA CGM San Antonio ang kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) sa ospital na hindi pinangalanan.
“Because mayroong explosion on board ‘yung drone attack, mayroong burns, at gas inhalation in the process,” ani Cacdac, na sinabi ring masusing sinusubaybayan ang kalagayan ng mga sugatang Pinoy.
Iniulat na inatake ang San Antonio habang dumaraan sa Strait of Hormuz noong Martes, na nagdulot ng pinsala sa barko at pagkasugat ng mga tripulante nito.
Ayon sa CMA CGM, ang ikatlong pinakamalaking container shipping line sa mundo at may-ari ng container ship, na inilikas na ang mga sugatang marino upang gamutin.
Nangyari ang pag-atake sa gitna ng patuloy na tensyon sa Strait of Hormuz, isang mahalagang pandaigdigang ruta sa kalakalan, na naapektuhan ng sigalot sa Middle East.
Naganap ang pag-atake dalawang araw bago ihayag ni US President Donald Trump na nagkaroon umano ng “napakagandang pag-uusap” ang Washington at Tehran, na nagbukas ng posibilidad ng isang kasunduan na maaaring makatulong upang matigil na kaguluhan.
Hanggang nitong Huwebes, Mayo 7, sinabi ng DMW na mahigit 1,300 Pilipinong tripulante na sakay ng iba’t ibang barko ang ligtas nang nakalabas sa Strait of Hormuz.
Gayunman, libu-libong iba pang Pilipinong marino ang nananatili pa rin sa Persian Gulf at hindi pa nakakatawid sa Strait of Hormuz, dagdag pa ng ahensya.—FRJ GMA News
