Nakabawi na si Alex Eala laban kay Wang Xinyu ng China matapos manalo sa kanilang laban sa Round of 64 ng Italian Open nitong Biyernes ng gabi sa iskor na 6-4, 6-3.

Dahil sa naturang panalo, ito ang unang pagkakataon na nakapasok si Eala sa ikatlong round sa isang clay-court tournament mula noon sa Miami Open ng nakaraang taon.

Sa mga nagdaan niyang laban, nakaranas ang Pinay tennis star ng sunod-sunod na maagang pagkakatanggal sa clay courts matapos makapasok sa WTA Top 100.

Sa unang set, mabilis na nakuha ni Wang ang 3-0 na abante bago bumawi si Eala sa pamamagitan ng pagkuha ng apat na sunod na game at makontrol ang laban.

Bahagyang naputol ni Wang ang momentum, ngunit muling nakabawi ang Filipina ace at tinapos ang set.

Sa ikalawang set, muling nakuha ni Wang ang maagang kalamangan sa 3-2, bago dominahin muli ni Eala ang sumunod na apat na game upang maselyuhan ang panalo sa straight sets.

Sa naturang panalo, nakabawi na si Eala kay Wang na tumalo sa kaniya sa kanilang tatlong set na semifinal match sa ASB Classic noong unang bahagi ng taon.

Sunod na makakaharap ni Eala sa Round of 32 ang manalo sa laban ng world No. 2 na si Elena Rybakina at Maria Sakkari ng Greece.— FRJ GMA News