Hindi lamang Pancit Malabon ang ipinagmamalaki ng lungsod ng Malabon, kundi pati na rin ang mga kakanin gaya ng makukulay na sapin-sapin. Anu-ano nga bang flavor ng kakanin ang nasa sapin-sapin? Tuklasin.
Sa nakaraang episode ng I Juander, itinampok ang “Dolor’s Kakanin,” na halos mag-iisang daang taon nang nasa negosyo, na nagsimula noon pang dekada 30s.
“Dati na po talaga silang nagtitinda sa palengke. Naglalako daw po ng mga palitaw hanggang sa naisipan po ng may-ari talaga po ng Dolor’s na i-improve po nila,” kuwento ni John Lerrie Ramos, food handler ng Dolor’s Kakanin.
“Then nag-made po siya ng kakanin. Then naglagay po sa bilao. Then dinagsa po siya ng tao na hanggang ngayon tinatangkilik po ng mga tao,” patuloy niya.
Sa isang bilao, hanggang pitong klase ng kakanin ang bumubuo sa makulay na disenyo nitong pabilog. Kinabibilangan ito ng biko, kalamay mais, kalamay ube, kutsinta, sapin-sapin, at kamoteng kahoy.
Magkakahiwalay itong niluluto saka paikot na ihihilera sa bilao upang makabuo ng bilog na kakanin na may iba't ibang sarap.
Gumagawa rin ang Dolor’s ng Cassava cake, o giniling kamoteng kahoy na may gata at pampalasa, may solo-solo packaging na tila cupcake.
Hindi gaya ng mga kilalang makabagong food destinations sa bansa, matitikman pa rin sa Malabon ang mga pagkaing nag-umpisa sa hapagkainan ng pamilya at ipinatikim kalaunan sa iba at naging negosyo.
“Hindi siya kagaya na ng ibang siyudad gaya ng Quezon City at saka ng Makati. May mga distinct na landmark na medyo hesitant 'yung ibang mga tao na pumunta kasi hindi nila masyadong kabisado dahil sa limited na moda ng transportasyon,” sabi ni Christine Marie Magpile, Philippine Studies Scholar. – FRJ GMA News
