Kinaantigan ng maraming netizen ang isang pusa na pumanaw ilang araw matapos mamaalam ang kaniyang amo sa Jordan, Guimaras. Napag-alaman na dating pagala-gala ang pusa na nagkaroon ng bagong tirahan nang kupkupin ng kaniyang amo na pumanaw kamakailan.

Sa TikTok video ni YouScooper Lydiphebs Ibieza, makikita ang isang pusa na tila nagdadalamhati habang nakasampa sa kabaong ng yumaong uncle ng Youscooper na si Lydiphebs.

Ayon kay Lydiphebs, nakunan ang video sa lamay ng kaniyang uncle.

“We saw the cat sitting quietly on the casket, looking at our uncle and softly meowing,” sabi ni Lydiphebs

Dagdag pa ng YouScooper, stray cat ‘di umano dati ang pusang nasa video na madalas manatili sa tabi ng kaniyang tiyuhin.

Nang tumagal, ang mismong uncle na niya ang kumupkop, nag-alaga, at nagpapakain sa pusa.

“Our uncle really had a soft spot for animals. Even in simple ways, like feeding strays and letting them stay close to him, you could really see how genuine his love was for them,” sabi ni Lydiphebs sa panayam ng GMA News.

Malungkot na ikinuwento ni Lydiphebs na namayapa na rin ang pusa ilang araw matapos ang pumanaw ang kaniyang tiyuhin.

Bigla na lamang daw nawala ang pusa at hindi na muling umuwi ng bahay para kumain. Kalaunan, natagpuan nila ito na wala na ring buhay.

Inilibing ang pusa malapit sa lugar kung saan naaksidente ang tiyuhin ni YouScooper Lydiphebs.—Jamil Santos/FRJ GMA News