Nagbotohan ngayong Lunes at nagpasya ang higit sa mayorya ng mga kongresista sa Kamara de Representantes na muling i-impeach si Bise Presidente Sara Duterte. Dahil ito sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang high crimes.

Sa ikalawang sunod na taon, bumoto ang plenaryo ng Kamara ang mga kongresista upang i-impeach si Duterte. Umabot sa 255 kongresista ang bumoto pabor sa rekomendasyon ng House on Justice committee na i-impeach si Duterte, at dalhin sa Senado ang Articles of Impeachment.

Samantala, 26 na kongresista lang ang kumontra, at 9 ang nag-abstain.

Sa ilalim ng Saligang Batas, one-third na boto lang ng mga kongresista (o 106) ang kailangan upang maaprubahan ang pag-impeach sa isang impeachable official.

Noong 2025, bumoto rin ang Kamara upang i-impeach si Duterte sa pamamagitan ng 215 boto. Ngunit idineklara ito ng Korte Suprema na walang bisa dahil sa labag umano sa Konstitusyon.

Ayon sa House justice panel, nagawa umano ng Bise Presidente ang mga paglabag batay sa sumusunod na articles of impeachment:

a) sistematikong maling paggamit, maling paglalaan, at iregular na liquidation ng confidential funds na nagkakahalaga ng P500 milyon na inilabas para sa Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyon para sa Department of Education (DepEd) noong kalihim siya ng Department of Education.

b) pagkakaroon umano ng hindi maipaliwanag na yaman na malinaw na hindi tugma sa kanyang legal na kita at kinita habang siya ay nanunungkulan bilang opisyal ng gobyerno

c) kabiguan nito na lubos at matapat na ideklara ang lahat ng kanyang ari-arian, pananagutan, at net worth, gayundin ng kanyang asawa, sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), kabilang ang mga SALN para sa taong 2022, 2023, at 2024

d) kabiguang i-divest ang kanyang mga negosyo at sa halip ay sinadyang ipagpatuloy ang kanyang business interests habang siya ay bise presidente mula 2022 hanggang 2025

e) pagbibigay ng pera o bayad sa mga opisyal ng DepEd upang hikayatin ang paglabag at pag-iwas sa procurement at iba pang kaugnay na batas

f) pagkontrata umano upang ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker ng Kamara at Leyte Representative Martin Romualdez sa pamamagitan ng matitinding pagbabanta at aktibong pag-uudyok ng sedisyon laban sa republika.

Sa kaniyang sponsorship speech, sinabi ni House justice committee chairperson at Batangas Representative Gerville Luistro, na dapat ipaliwanag ni Vice President Sara Duterte ang P6.7 bilyong bank transactions na sangkot umano siya at ang kanyang asawa na si Manases Carpio, na hindi idineklara sa kanilang pinagsamang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

“May numero ba tayo? Mr. Speaker, distinguished colleagues. Opo. Meron po tayong numero. Ngunit ang numerong tinutukoy ko ay hindi lamang bilang ng boto. Nasa records po ang numero. P6.7 billion. Iyan ang numerong kailangang maipaliwanag sa sambayanang Pilipino,” sabi ni Luistro.

“Iyan ang numerong hindi maaaring ibaon sa limot. Iyan ang numerong nagtatanong kung may mga bagay bang kinakailangang lubos na maipaliwanag sa sambayanang Pilipino," giit niya.

"At sa Senado, naroon ang pagkakataon ng Bise Presidente na sagutin nang buo ang bawat alegasyon, iharap ang kanyang ebidensya, at marinig ng buong sambayanan ang kanyang panig,” dagdag pa ni Luistro.

Binigyang-diin din ni Luistro na nakabatay sa ebidensya ang Articles of Impeachment at hindi sa tsismis.

“Hawak po natin ngayon ang bunga ng mahabang proseso. Hindi ito nabuo sa isang gabi. Hindi ito produkto ng tsismis, galit, o sigaw sa social media. Bawat pahina ay may bigat. Bawat dokumento ay may implikasyon,” Luistro said. – Llanesca T. Panti/FRJ GMA News