Palaban ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng ginagawang paglilitis sa kaniya ng Senate Impeachment Court. Saad niya nitong Martes, “I will be bloodied but unbowed.”

Nagtungo si Duterte sa Senado upang makipagpulong sa kaniyang mga abogado pero hindi pa niya sinaksihan ang mismong paglilitis na nagsimula nitong Lunes.

Sa kaniyang sandaling pagharap sa mga mamamahayag, sinabi niya, “in this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed."

Hindi na nagbigay ng karagdagang pahayag ang Bise Presidente at hindi rin siya sumagot sa mga tanong ng media.

Sa isang press conference bago dumating si Duterte, sinabi ni Atty. Michael Poa na hindi dadalo ang Bise Presidente sa pagdinig ng impeachment ngayong Martes dahil mayroon siyang iba pang nakatakdang gagawin.

“Yes, I can confirm na dadating si Vice President Sara Duterte in a few minutes, but she will only be here for a meeting with the defense team,” sabi ni Poa.

“Meron kaming napag-usapan na magkikita kami today dito sa holding room ng defense team para magpaliwanag ang ilang bagay-bagay, but she will not be attending the hearing, the scheduled hearing this afternoon,” dagdag niya.

Sabi pa ni Poa, “She has engagements din po kasi; that’s why she’s in Manila, and she will have to proceed to her engagements after the meeting.”

Inihayag din ni Poa na naghahanda ang Office of the Vice President (OVP) sa pagtugon kaugnay ng paparating na bagyo.

Paglilinaw ni Poa, hindi iniiwasan ni Duterte ang impeachment trial pero nandoon naman ang kaniyang mga abogado sa Senado.

“Yes, hindi po (iniiwasan ni Duterte ang impeachment trial) kaya nga po nandito 'yung mga abogado niya. Kung umiwas po kami eh baka hindi na kami lumahok sa Senado,” paliwanag niya.

Idinagdag pa niya na dadalo ang Bise Presidente sa paglilitis kung kinakailangan at kung ipapayo ng kaniyang mga abogado.

Pormal na nagsimula ang impeachment trial kay Duterte nitong Lunes, Hulyo 6, kung saan nahalal si Senador Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court.

Noong Mayo, in-impeach ng Kamara de Representantes si Duterte dahil sa mga paratang ng paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, panunuhol, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at iba pang mabibigat na krimen. — Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA News