Pinatawan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng anim na buwang preventive suspension nang walang sahod si acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay ng pagpapaputok nito ng baril na pinagmulan umano ng shooting incident sa Senado noong Miyerkoles ng gabi, May 13, 2026.

Ayon kay Remulla, kinakailangan ang suspensyon habang iniimbestigahan ng Ombudsman ang insidente.

“Siya po ang unang nagpaputok. Papaputukan mo, law enforcement? We do not tolerate that. He can appeal, pero hindi puwedeng may taong maaaring makaimpluwensiya sa mga bagay na kailangan nating mabungkal rito sa Senado. Kaya may preventive suspension para walang undue influence sa investigation,” sabi ni Remulla sa press conference nitong Biyernes.

“That is why we need to investigate. Unforgivable, mahirap patawarin iyong ginawa nilang ‘yun. Di po ito katanggap-tanggap. Ano karapatan niyang gawin yun? Sino siya?” dagdag niya.

Nauna nang inamin ni Aplasca na siya ang nagpaputok ng unang warning shot laban sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa gusali ng GSIS.

Sinabi rin ni Remulla na kasama sa imbestigasyon ng Ombudsman ang buong contingent ng Senate Sergeant-at-Arms, mga pulis, mga senador, NBI, at maging ang mga mamamahayag na nakasaksi sa insidente habang nagko-cover upang kumuha ng kani-kanilang affidavit.

Naglabas na rin ng subpoena ang Ombudsman sa Senado para sa CCTV footage ng insidente.

“Sana naman walang nawawala na footage sapagkat may allegations at may nagsasabi baka tinago niya ang CCTV footage. Sana naman walang cover-up dito,” ayon kay Remulla.

Ilang oras matapos ang insidente ng pamamaril, nakalabas ng Senado si Senador Ronald dela Rosa sa kabila ng umiiral na warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y crimes against humanity dahil sa mga pagkamatay sa drug war ng dating administrasyong Duterte.

Kalaunan, sinabi ni Senate President Alan Cayetano na umalis si dela Rosa kasama si Senador Robin Padilla.

Nagbabala rin si Remulla na maaaring maharap sa mga kasong obstruction of justice, aiding and abetting a fugitive from justice, failure to maintain public order and safety, gross neglect of duty, at iba pa, ang mga mapatutunayang may pananagutan sa insidente.

Sa ilalim ng Section 2 ng Presidential Decree 1829, maaaring patawan ng perpetual disqualification sa paghawak ng pampublikong posisyon bukod sa iba pang parusa ang isang opisyal o empleyado ng gobyerno na mapapatunayang nagkasala ng obstruction of justice.

“Obstruction of justice ang pinakamabigat diyan. Whoever is found to be in on it [will face that],” giit ni Remulla.

Hindi pa umano nakakausap ni Remulla si Aplasca pero ipinarating na niya ang kautusan sa Senado.

"It's worrisome. We cannot let this go unpunished and we cannot ignore something of this magnitude," anang opisyal.

Suspendihin din si Matibag—Cayetano

Sa hiwalay na pulong balitaan, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na dapat suspendihin din ng Ombudsman si NBI Director Melvin Matibag.

“Let me just appeal to the Ombudsman, suspend also the NBI director because he is more a suspect than General Mao,” anang senador.

“We do not want to set a bad example in the independent investigation and we do not want to put the Senate in harm's way,” dagdag niya.-- Llanesca T. Panti/FRJ GMA News