Nakakuha ng mataas na 10.5 rating at pinuri ng viewers ang pilot episode ng GMA Prime series na “The Master Cutter.”
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nakuha ng The Master Cutter ang 10.5 na rating mula sa GMA at GTV.
Unang linggo pa lang ng serye, naging action-packed na kaagad ang mga eksena nito.
Sa episode nitong Huwebes, ipinakilala na ang pamilya ni Atoy, na ginagampanan ni Dingdong Dantes, sa kaniyang pagbabalik sa lugar kung saan siya lumaki.
Ipinasulyap din ang kaniyang mga alaala sa yumaong ina, na ginampanan ni Jackie Lou Blanco.
Binisita rin ni Atoy ang puntod ng kaniyang ina at humingi ng tulong para sa relasyon nila ng amang si Delfin na ginagampanan ni Joey Marquez.
Kaabang-abang ang episode ngayong Biyernes ng gabi kung saan may bagong misyon si Atoy at mas intense pa ang mga eksena.
Mapanonood ang “The Master Cutter” sa GMA Prime pagkatapos ng GMA News 24 Oras.—Jamil Santos/FRJ GMA News
