Hindi hinayaan ni Christel Surita, mula sa Iloilo, na maging hadlang ang kaniyang kapansanan sa paningin upang hindi maabot ang kaniyang pangarap na maging guro. Umaasa siya na magiging inspirasyon siya sa iba pang persons with disabilities upang huwag isuko ang kanilang mga pangarap.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas, ipinakilala si Christel Surita, na 10th placer sa katatapos na Licensure Examination for Teachers (LET) para sa elementary level. Nakakuha siya ng rating na 92.80 percent.

“Sabi nila, “Tel ang iyong rating 92.80... Sabi ko, weh? Hindi ako naniwala. Sila ang nag-manifest na makapasok ako sa Top 10. Ngunit nang medyo nag-sink in na at tumawag na sa akin ang aming dean at umiyak siya, doon na ako umiyak,” kuwento ni Christel.

Ang resulta ng pagsusulit ay bunga ng maraming taon ng kaniyang pagsisikap sa kabila ng kaniyang kapansanan sa paningin.

Ipinanganak si Christel na may congenital cataract, na na-diagnose noong walong-taong-gulang na siya. Gayunpaman, positibo pa rin ang kaniyang pananaw sa buhay.

Araw-araw, sa kabila ng kaniyang limitasyon, buong tapang siyang bumibiyahe papuntang paaralan mula sa kanilang tahanan sa isang rice plantation sa Barangay Patlad, bayan ng Dumangas.

Nagtapos siya sa Iloilo State University of Fisheries Science and Technology sa Dumangas.

“Sa aking review, wala akong naisulat kahit isa. Nakadepende lang ako sa videos online dahil diyan ako nagbabasa ng ilang beses,” saad niya.

Hindi naman naging sorpresa sa kaniyang paaralan, lalo na sa kaniyang mga mentor, ang tagumpay ni Christel sa licensure examination.

Ayon sa kaniyang propesor sa ISUFST na si Ernie Pedregosa, pinatunayan ni Christel na taglay niya ang mga katangiang kailangan upang maging isang mahusay na guro.

“Magaling siyang mag-demo, as to the content, as to the strategy, techniques, approach and methods, nade-deliver talaga. Sabi ko nga sa kanya, Teltel lisensya na lang talaga. No question sa ability, sa skills. She has the elements to be a very good teacher,” sabi ni Pedregosa.

Umaasa si Christel na maging inspirasyon siya sa iba pang persons with disabilities upang huwag isuko ang kanilang mga pangarap.

“Trials, it’s part of life. Actually, trials is life, kasi hindi mo naman matatawag na buhay kung walang hirap at panay ligaya na lang,” aniya.

Kabilang din sa Top 10 sa elementary level ang mga sumusunod:

  • Friences Cortez, 5th Place, University of Iloilo
  • Justine Fontanillas, 8th Place, Iloilo Science and Technology University - Miag-ao
  • Jerald Loyola, 10th Place, Northern Iloilo State University Concepcion Campus

Sa secondary level naman, apat na graduates ng West Visayas State University ang nakapasok sa Top 10:

  • Nicole Macainan, 5th Place
  • Vincent Christopher King, 7th Place
  • Keith Jabaybay, 8th Place
  • Zhyra Joy Lorenzo, 10th Place

Nakakuha ang WVSU ng 100 passing rate sa exams.—FRJ GMA News