Posible umanong mangyari ngayong taon ng 2026 ang isang phenomenon na limang beses pa lang nangyayari sa mundo mula noong 1950s, na tinatawag sa Super El Niño. Ano nga ba ang mga epekto nito? Alamin.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nangyayari ang Super El Niño kapag tumataas ang temperatura sa Pacific Ocean nang hindi bababa sa 2 degrees Celsius above average.
Ayon sa prediksyon ng National Oceanic and Atmospheric Administration nitong Abril 9, may 61% na tiyansang magkaroon ng El Niño ngayong taon, at may isa sa apat na tiyansang magiging Very Strong o Super El Niño ito.
Posibleng mabuo ang Super El Niño sa Mayo hanggang Hulyo, na tatagal ng hanggang sa pagtatapos ng 2026, at pinangangambahang magtatala ng record-breaking na init ngayong 2026 o sa 2027.
Kasama sa mga posibleng epekto ng Super El Niño ang matindi at pangmatagalang tagtuyot sa Southeast Asia at Australia, malalakas na pag-ulan at flash floods sa ilang bahagi ng South America, at mas malalakas na bagyo sa Hawaii, Japan, China at Pilipinas.
Gayunman, sinabi rin ng mga eksperto na posible pang mabago ang forecast. Ngayon, nasa El Niño Watch na ang PAGASA.
Ayon sa PAGASA, mainam na paghandaan na ang posibleng epekto ng El Niño sa agrikultura, water at energy supply at sa kaligtasan at kalusugan ng publiko ngayon pa lamang.
Pinahihina ng El Niño ang trade winds, na kumikilos mula Silangan patungong Kanluran, para itulak ang mainit na tubig ng dagat patungong Asia at Australia.
Dahil dito, hindi masyadong naitutulak ang mainit na tubig pa-Kanluran, na nagreresulta sa pag-init din ng dapat sana’y malamig na bahagi ng dagat at nababago ang rainfall, wind patterns, at temperatura sa ibang-ibang bahagi ng mundo. – Jamil Santos/FRJ GMA News
