Sugatan ang 15 sakay ng isang modern jeepney matapos itong tumagilid nang masalpok ng isang armored van sa Quezon Avenue sa Quezon City. Pero giit ng driver ng armored van, hindi siya ang may kasalanan.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing binigyan ng paunang lunas at dinala sa ospital ang mga biktimang nagtamo ng mga sugat at pinsala sa katawan.
Sinabi ng driver ng modern jeep na bigla umanong sumalpok sa kanilang likuran ang armored van kaya tumagilid ang kanilang sasakyan.
Ayon naman sa driver ng armored van, sila ang nasa tama at ang modern jeep ang lumabag sa batas-trapiko na humantong sa aksidente.
Sinabi ng mga guwardiya na sakay ng armored van na sila ang naka-go at biglang umandar ang modern jeep.
Kaagad namang naalis sa lugar ang tumagilid na modern jeep upang bumalik sa normal ang daloy ng trapiko sa lugar.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
Sa Tondo, Maynila naman, nahuli-cam ang pagnanakaw ng isang lalaki sa nakaparadang utility van sa Mel Lopez Boulevard.
Batay sa video, makikita ang pagpasok ng kamay ng lalaki sa bintana ng sasakyan na bahagyang nakabukas.
Ilang saglit pa, naabot niya ang isang bag at tuluyan itong tinangay.
Sinabi ng barangay na madalas nang problema ng mga residente ang 20-anyos na lalaking nakunan ng video.
Gayunman, hindi pormal na naireklamo ang lalaki dahil hindi nagsasampa ang mga biktima sa oras na mabawi ang mga ninakaw sa kanila.
Patuloy na inaalam kung ano ang laman ng bag na ninakaw at kung may dati nang kaso ang lalaki. – Jamil Santos/FRJ GMA News
