Arestado ang isang 51-anyos na ina na may kapansanan (PWD) matapos na may makuha sa kaniya na hinihinalang shabu nang bisitahin ang menor de edad na anak na nakadetine sa isang pasilidad na para sa mga kabataan na tinatawag na Children in Conflict with the Law (CICL).

Sa ulat ni Guam Logronio ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, sinabing nakadetine ang 16-anyos na anak ng suspek sa Cebu City Operation Second Chance, matapos “masagip” dahil din sa ilegal na droga.

Ayon sa mga awtoridad, isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu ang natagpuan sa damit panloob ng ginang nang sumailalim siya sa inspeksyon bago makapasok sa pasilidad.

Kaagad namang nakipag-ugnayan sa pulisya ang mga tauhan sa pasilidad at dinakip ang ginang.

Paliwanag naman ng ginang, nakalimutan umano niyang alisin ang ilegal na droga sa kaniyang kasuotan bago bumisita sa kaniyang anak dahil sa kaniyang kalasingan.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente at mahaharap sa kaukulang kaso ang ginang. – FRJ GMA News