Arestado ang 33-anyos na dating BJMP personnel at kanyang 46-anyos na live-in partner sa ikinasang drug buy-bust operation ng Batasan Police sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Nabilhan sila ng droga ng pulis na nagpanggap na buyer.
Ayon sa pulisya, limang taon nagtrabaho sa BJMP ang lalaking suspek.
“Nung na-dismiss po siya nung taong 2023 dahil nagpositive siya sa random drug test nila ay nagtuloy-tuloy po siya sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot,” ani Police Lt. Col. Gemmer Tubiera, ang station commander ng Batasan Police.
Nakuha mula sa mga suspek ang 55 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P374,000.
Inaalam pa ng pulisya ang source ng droga.
“Ang area of operation po nila ay Batasan and Commonwealth at Holy Spirit po. Nag-aabutan po sila ng ipinagbabawal na gamot,” dagdag ni Lt. Col. Tubiera.
Sa record ng pulisya, taong 2023 nang maaresto ang lalaking suspek dahil sa pagbebenta ng droga.
Kalalaya lang niya nitong Pebrero.
Ang kanyang kinakasama, dati na ring nakulong sa parehong kaso.
Nang tanungin kaugnay sa kanilang muling pagkakaaresto, walang pahayag ang lalaking suspek.
Itinanggi naman ng kanyang kinakasama na sangkot siya sa illegal na droga.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —VAL GMA News
