Pumanaw na ang beteranong news reporter, anchor, at radio commentator na si Jaime Federico Gil, na mas kilala bilang si Jimmy Gil, sa edad 79.
Pumanaw si Jimmy nitong 9:25 a.m. ng Huwebes.
Nagsilbing news writer si Jimmy sa Super Radyo dzBB ng GMA Network noong 1979, hanggang sa maging TV reporter noong 1982 at nagbalita tungkol sa Western Police District (Manila Police District na ngayon), Manila City Hall, Commission on Elections, Bureau of Immigration, at general assignments hanggang sa mag-retiro.
Naging co-anchor din siya ng "The Saturday & Sunday Evening Report" kasama ang pumanaw na si Raffy Marcelo at minsang naging co-anchor sa "News at Seven" kasama si Tina Monzon Palma noong 1980s at simula ng 1990s.
May programa sa radyo ang Kapuso broadcaster na "Jimmy Gil Live!", bago ang kaniyang pagpanaw.
Naiwan ni Jimmy ang kaniyang asawang si Anna Katrina Sy, apat na anak na babae, dalawang anak na lalaki, at 11 mga apo. —Jamil Santos/VBL GMA News

