Isang fetus na nakasilid sa kahon ang natagpuan sa may basurahan sa tapat ng isang simbahan sa Pandacan, Maynila. Ang nagtapon, pinaghahanap na.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang paghinto ng isang lalaking nakabisikleta sa isang basurahan na nasa tapat ng isang convenience store sa Jesus Street mag-4 a.m. ng Miyerkoles.
Binuksan niya ang isang kulay itim na plastic bag habang kinakalkal ang mga basura.
Ilang saglit pa, tila nagulat ang lalaki at agad lumayo.
Hanggang sa mapanonood na ang ilang pulis at mga tao na mayroong sinisilip mula sa basurahan.
Isang fetus na isinilid sa kahon ng sapatos ang nakita ng lalaking nakabisikleta na katapat lamang ng simbahan ng Santo Niño de Pandacan.
“Medyo alarming na po… Opo, buo na siya… Actually may gender na siya, male, siguro approximately nasa 5-6 months na po,” sabi ni Kapitan Kerstin Resurreccion ng Barangay 848, Pandacan, Maynila.
Ayon sa barangay, hindi pa nila tiyak kung sino ang nagtapon sa fetus. Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa punerarya para sa maayos na paglilibing dito.
“Kung ang aso nga po at pusa na inaalagaan ngayon, meron nang maayos na burol, sana po ‘yung ganito, mabigyan naman ng decent na wake para ma i-lay to rest sila,” sabi ni Resurreccion.
Nai-turn over na sa homicide section ng MPD ang kaso.
Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng nagtapon sa fetus at masampahan siya ng kaukulang reklamo. —Jamil Santos/VBL GMA News
