Inilahad ni Department of Education Secretary Sonny Angara na maaaring “premeditated” o pinagplanuhan umano ang insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes. Ang mga estudyanteng sangkot, sinabi niyang posibleng itinuturing ang insidente bilang bahagi ng kanilang “misyon.”
“‘Yung bata na iyon tahimik lang, at nagpaalam siya na may activity daw sila sa Manila. Tapos hindi siya pumasok ng one week, tapos nangyari ito noong pagpasok niya ulit. So mukhang talagang... for now, although hindi definitive, parang pinagplanuhan talaga,” sabi ni Angara sa panayam sa kaniya ni Emil Sumangil ng GMA News.
“May group chat daw sila at sinabi na may ‘misyon’ daw sila. So parang mukhang napagplanuhan talaga,” dagdag ni Angara.
Ayon sa kalihim, nananatiling dalawa ang akusado sa insidente.
Samantala, ayon din kay Dr. Malcolm Garma, DepEd Undersecretary for Operations, ipinakikita ng mga inisyal na ulat na maaaring may kaugnayan sa pambu-bully ang motibo ng dalawang menor de edad sa pamamaril. Gayunman, sinabi niyang “sporadic and random” at hindi targeted ang mga pag-atake.
“Based on the initial investigation, mukhang meron talagang plano. Parang premeditated talaga ‘yung ginawa ng dalawang bata,” sabi ni Garma sa panayam sa Unang Balita.“There are already indications na talagang pinagplanuhan. Kung makikita natin kung bullying ito, kung apektado sila o na-bully sila, dapat targeted eh, dapat tukoy kung sino. Pero seemingly, what happened here is talagang sporadic, random talaga. Lahat ng makita at makasalubong ay binabaril talaga,” dagdag niya.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal ng DepEd na patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa dalawang menor de edad upang matukoy ang tunay na motibo sa pamamaril.
Tatlo ang nasawi habang 13 ang nasugatan sa pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City.
Dinala sa kustodiya ng pulisya ang dalawang menor de edad, edad 14 at 15, alinsunod sa mga umiiral na pamamaraan sa ilalim ng juvenile justice at child protection laws.
Narekober ng pulisya mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang kalibre .38 revolver at isang 9mm pistol na umano’y ginamit sa pamamaril.
Tumalon sa bakod
Ayon kay Garma, hindi umano dumaan ang dalawa sa main gate ng paaralan kundi pumasok sa pamamagitan ng pagtalon sa bakod sa likod ng campus.
“Meron pong gwardya dito sa harapan ng eskwelahan, ito po ay nagbabantay ng gate. Kaya lang, pumasok doon sa likuran kasi medyo mababa ‘yung bakod nila kaya nakatalon sila,” ani Garma.
“Accordingly, nagbihis ‘yung dalawa, nagpalit ng damit bago sila nagsimulang mamaril,” dagdag niya.—MCG GMA News
