Inihayag ng pulis na may-ari ng baril na ginamit sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na pinasok umano ng kaniyang pamangkin-- isa sa mga suspek-- ang kaniyang bahay upang kunin ang kaniyang service firearm.
Sa ginanap na pagdinig nitong Miyerkules sa Senado, sinabi ni Police Staff Sergeant Arla Ray Paciencia, na pumasok sa nakakandado niyang bahay ang pamangkin niya na si alyas "Nash," sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana para kunin ang kaniyang 9mm Glock na baril na nakalagay sa isang plastik na locker.
"Nash unlawfully entered my own house. It's not a room...He forcibly damaged my locker, it was locked, and my house was locked as well," saad ni Paciencia sa nangyaring insidente noong June 22.
Aminado naman ang pulis na patakaran sa kanila na dapat nasa safety vault ang kanilang baril.
"Yung standard is safety vault, but it was in good faith that I believed it was safe since I'm the only one staying in my own house," dagdag niya.
Noong Hunyo 22, dalawang kabataan na may edad na 14 at 15 ang nagpaputok ng baril sa loob ng San Jose National High School, na ikinasawi ng tatlo katao at ikinasugat ng marami pang iba.
Ayon sa Police Regional Office 8 (PRO 8), nagsampa na ang mga awtoridad ng kasong kriminal laban sa 15-anyos na estudyanteng sangkot sa madugong insidente.
Nasa pangangalaga ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tacloban City ang dalawang kabataang suspek na itinuturing children in conflict with the law (CICLs).
Samantala, inamin ni Paciencia na isinama niya si Nash sa isang target shooting range kahit menor de edad pa ito. Gayunman, itinanggi niyang siya ang nagsisilbing legal na tagapag-alaga ng kaniyang pamangkin, at sinabing nagbibigay lamang niya rito ng suportang pinansyal para sa pamilya nito.
"Di ako tumatayong magulang. I am his aunt pero may parents po siya. Ang supervision ko ay more on support and financial support," paliwanag niya. — FRJ GMA News

