Naayos na kaya ang relasyon nina Ian De Leon at ng kaniyang mga kapatid matapos ang nauna nilang mga pahayag tungkol sa tila hindi nila pagkakaunawaan makaraang pumanaw ang kanilang ina na si Nora Aunor?
Sa isang Facebook post nitong Martes, nagbahagi si Ian ng isang mensahe na patungkol sa pag-uusap nila ng kapatid niyang si Matet De Leon.
Nagpasalamat ang aktor sa kaniyang nakababatang kapatid na aktres dahil sa tinawag niyang “wonderful conversation.”
“Thank you so much for the wonderful conversation! God bless us and our family!” saad ni Ian na binanggit si Matet.
Nitong Lunes, nag-post naman si Matet ng larawan niya noong baby pa siya kasama ang kaniyang mga kapatid na sina Ian, Lotlot, pati na ang kanilang ina na si Nora.
"We miss you Ma," simpleng caption ni Matet.
Bago ang mga naturang post nina Ian at Matet, nag-post din muna si Matet sa social media noong nakaraang linggo na tinawag niya ang atensyon ni Ian. Nangyari ito matapos ang naging panayam ng aktor sa Fast Talk with Boy Abunda.
Hinamon ni Matet ang kaniyang kuya na aminin din ang mga pagkakamali.
BASAHIN: Matet De Leon sa online bashers: 'Ang tunay na kaaway ay kayo'
“Para sa ’yo, ‘Kuya Ian, sana sinabi mo rin sa tao ‘yung mga nagawa mong mali,” ani Matet. “Na hindi totoong nangkakamkam kami.”
Matapos ang pagpanaw ni Nora noong nakaraang taon, naging usapin ang tungkol sa mana ng magkakapatid. Tila nagkaroon din ng hindi pagkakaunawaan sa magkakatid tungkol sa itinatag na korporasyon ni Ian na hindi umano naikonsulta sa kaniyang mga kapatid.
BASAHIN: Ian, iwalang magkakaayos din silang magkakapatid; may paliwanag din ukol sa mana at itinatag na korporasyon
Sa panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda," aminado si Ian na mayroong hindi pagkakaunawaan sa kanilang pamilya. Gayunman, naniniwala siyang malulutas din ito.
"I don't want to force anything until it's the right time for things to be solved," saad niya.
Ipinaliwanag din niya ang foundation na itinatag para maipreserba ang legacy ng kanilang ina.
Matapos ang naturang panayam ni Ian, nagbigay ng pahayag si Lotlot sa isang press conference at sinabing, "wala akong hinahabol na mana."
Si Ian ang tanging biological son ni Nora sa aktor na si Christopher de Leon. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News


